Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mga Impeksiyon sa Daanan ng Ihi na may Kaugnayan sa Catheter

Cross section ng pantog na ipinakikita ang nakalagay na catheter.
Pinananatili ng maliit na balloon ang catheter na nasa tamang lugar sa loob ng pantog.

Ang mga impeksiyon sa daanan ng ihi na may kaugnayan sa catheter (catheter-associated urinary tract infection, CAUTI) ay isang impeksyon sa daanan ng ihi. Ang CAUTI ay sanhi ng bakterya na pumapasok sa daanan ng ihi kapag gumagamit ng urinary catheter. Ito ay isang tubo na inilalagay sa pantog upang alisin ang ihi.

Ang daanan ng ihi

Kabilang sa daanan na ito ang mga bato, ureter, pantog, at urethra. Sinasala ng dalawang bato ang dugo at ginagawa ang ihi. Dinadala ng mga ureter ang ihi mula sa mga bato papunta sa pantog. Iniimbak ng pantog ang ihi. Dinadala ng urethra ang ihi mula sa pantog palabas ng katawan.

Ano ang urinary catheter?

Ang urinary catheter ay isang manipis at malambot na tubo. Inilalagay ito sa pantog upang alisin ang ihi. Dumadaloy ang ihi sa tubo patungo sa isang supot na pangkolekta sa labas ng katawan. May iba't ibang uri ng mga urinary catheter. Ang pinakakaraniwang uri ay ang indwelling catheter. Kilala rin ito bilang urethral catheter. Ito ay dahil sa inilalagay ito patungo sa pantog sa pamamagitan ng urethra. Ang catheter na ito ay tinatawag ding Foley catheter.

Bakit kailangan ang urinary catheter?

Ang urinary catheter ay kailangan para sa anuman sa mga sumusunod:

  • Hindi ka makalibot sa paligid nang mahabang oras pagkatapos ng operasyon o pinsala.

  • Mayroon kang pagbabara sa iyong sistemang pang-ihi.

  • Kailangang sukatin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang dami ng ihi na iyong inilalabas.

  • Sinusuri ang paggana ng iyong mga bato at pantog.

Kadalasan, panandalian (pansamantala) ang urinary catheter. Kakailanganin mo lang ito hanggang sa malutas ang problema na nangangailangan nito. 

Paano nagsisimula ang CAUTI?

Maaaring makapasok ang bakterya sa daanan ng ihi habang inilalagay ang catheter sa loob ng urethra. Maaari ding makapasok ang bakterya sa daanan ng ihi habang ang catheter ay nasa kaniyang pwesto. Ang mga karaniwang bakterya na sanhi ng CAUTI ay ang mga naninirahan sa bituka. Ang mga bakteryang ito ay hindi karaniwang nagdudulot ng mga problema sa bituka. Ngunit kapag ang mga ito ay nakarating sa daanan ng ihi, maaaring magresulta ng CAUTI.

Bakit kailangang pagtuunan ng pansin ang CAUTI?

Kapag ito ay hindi nalunasan, maaaring humantong ang CAUTI sa mga problemang pangkalusugan. Maaaring kabilang sa mga problemang ito ang impeksiyon sa pantog, impeksiyon sa prostate, at impeksiyon sa bato. Ang CAUTI ay maaaring magpatagal ng iyong pananatili sa ospital. Kapag ang impeksiyon ay hindi nalunasan sa oras, maaari kang magkaroon ng malulubhang kumplikasyon sa kalusugan.

Ano-ano ang sintomas ng CAUTI?

  • Tila sinusunog na pakiramdam, pagbigat, o pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan

  • Lagnat o panginginig

  • Ang ihi sa supot na pangkolekta ay tila maulap o may madugong kulay (kulay rosas o pula)

  • Tila nasusunog na pakiramdam sa urethra o bahagi ng ari

  • Pangingirot sa iyong likod (lugar ng bato)

  • Pagduduwal at pagsusuka

  • Ikaw ay tila tuliro, o hindi alerto, o may pagbabago sa ugali (karaniwang nakakaapekto sa mga mas matandang pasyente)

Kung minsan maaaring hindi ka magkaroon ng anumang sintomas ngunit maaaring magkaroon pa rin ng CAUTI.

Sabihin agad sa tagapangalaga ng kalusugan kung ikaw o ang iyong mahal sa buhay ay mayroon ng alinman sa mga sintomas na ito.

Paano nada-diagnose ang CAUTI?

Kung ikaw ay mayroong mga sintomas ng CAUTI, iuutos ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang mga pagsusuri. Kabilang sa mga ito ang pagsusuri ng ihi at dugo.

Paano ginagamot ang CAUTI? 

Maaaring kabilang sa paggamot ang alinman sa mga sumusunod:

  • Antibayotiko. Malamang na irereseta ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang antibayotiko kung ikaw ay mayroong mga sintomas. Dapat malaman na kung ikaw ay hindi nakararanas ng mga sintomas, ikaw ay maaaring hindi na bigyan ng antibayotiko. Ito ay para maiwasan ang pagtaas ng bakterya na hindi maaaring patayin ng ilang antibayotiko.

  • Pagtanggal ng catheter. Aalisin ang catheter kapag nagpasya ang tagapangalaga ng iyong kalusugan na hindi na ito kinakailangan. Ito ay karaniwang tumutulong upang itigil ang impeksiyon.

  • Pagpapalit ng catheter. Kung kailangan mo pa rin ng catheter, aalisin ang luma. Bago ang siyang ilalagay. Maaari itong makatulong upang matigil ang impeksiyon.

Paano iniiwasan ng mga kawani ng ospital at pangmatagalang pasilidad ang CAUTI?

Upang mapanatiling makaiwas ang mga pasyente na magkaroon ng CAUTI, sinusunod ng mga kawani ang ilang pamamaraan:

  • Ireseta lamang ang catheter kapag ito ay kinakailangan. Tinatanggal ito kaagad kung ito ay hindi na kinakailangan.

  • Gumamit ng malinis (isterilisado) na pamamaraan kapag inilalagay ang catheter patungo sa daanan ng ihi. Ibig sabihin nito na bago ipasok ang catheter, naghuhugas ang tagapangalaga ng kanyang mga kamay gamit ang sabon at tubig. Pagkatapos ay magsusuot siya ng isterilisadong gwantes. Isang isterilisadong catheter kit na may kasamang panlinis ang ginagamit para linisin ang bahagi ng iyong ari.

  • Bago simulan ang paglalagay ng catheter, maghuhugas din ang mga tagapangalaga ng kanilang mga kamay o gagamit sila ng panlinis ng kamay na mayroong alkohol.

  • Isabit ang supot na mas mababa sa iyong pantog. Pinipigilan nito ang ihi na dumaloy pabalik sa iyong pantog.

  • Siguraduhing regular na alisan ng laman ang supot.

Ano ang magagawa mo bilang pasyente upang makaiwas sa CAUTI

Maaari kang makatulong na makaiwas ang sarili mo na magkaroon ng CAUTI sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:

  • Tanungin araw-araw ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung gaano katagal mo kinakailangan ang catheter. Mas matagal na mayroon kang catheter, mas mataas ang pagkakataon na magkaroon ka ng CAUTI.

  • Sabihin sa iyong tagapangalaga na maghugas ng kanyang mga kamay at magsuot ng guwantes bago hawakan ang iyong catheter.

  • Kung ikaw ay tinuruang mangalaga sa iyong catheter, maghugas ng iyong mga kamay bago at matapos ang bawat sesyon.

  • Siguraduhing ang supot ay mas mababa sa iyong pantog. Kung hindi, sabihin sa iyong tagapangalaga.

  • Huwag idiskonekta ang catheter at patuluin ang tubo. Ang paggawa nito ay nagbibigay-daan sa mga mikrobyo na makapasok sa catheter.

  • Napakahalaga ng paglilinis sa mga bahagi ng ari at perineal upang makatulong na mabawasan ang bakterya sa mga lugar sa palibot ng catheter. Itanong sa iyong doktor kung ano ang dapat mong gamitin at gaano kadalas lilinisin ang mga bahaging ito.

Kung ikaw ay pinauwi nang may indwelling catheter

  • Bago umalis ng ospital, intindihin ang mga tagubilin kung paano pangalagaan ang iyong catheter sa bahay.

  • Tanungin ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung gaano katagal mo kakailanganin ang catheter. Tanungin din kung kakailanganing makipagtagpo uli upang tanggalin ang catheter.

  • Palaging gumamit ng malinis (isterilisado) na pamamaraan tuwing pangangalagaan ang iyong catheter. Hugasan ang iyong mga kamay bago at matapos gawin ang alinmang pangangalaga ng catheter.

  • Tawagan agad ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung ikaw ay magkaroon ng mga sintomas ng CAUTI (tingnan sa itaas).

Online Medical Reviewer: Marc Greenstein MD
Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 4/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer