Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mataas Na Kolesterol: Pagsusuri Ng Iyong Mga Panganib Sa Kalusugan

Pinatataas ng matataas na level ng kolesterol ang iyong panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso at atake sa puso. Inilalagay ka nito sa mas mataas na panganib ng stroke at peripheral artery disease. Isang unang hakbang sa pag-iwas sa mga ito ang pag-alam sa iyong mga lebel ng kolesterol. Nasabihan ka na ba na napakataas ng iyong kolesterol? Kung gayon, maaaring nasa panganib ka sa isang stroke o atake sa puso. Mas nasa panganib ka kung mayroon kang iba pang mga kadahilanan ng panganib para sa sakit sa puso.

Maaaring magsimula nang maaga sa buhay ang mataas na kolesterol. Maaari itong magpatuloy sa buong buhay mo. Maaari nitong mapataas ang iyong panganib ng mga problema sa kalusugan sa paglipas ng panahon. Alamin ang tungkol sa iyong kolesterol at ang iyong panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung paano simulan ang pagkontrol sa iyong kolesterol.

Bakit problema ang mataas na kolesterol?

Ang kolesterol sa dugo ay isang mataba na substansiya. Ginagamit ito ng katawan upang gumawa ng mga bahagi ng iyong mga selula. Ginagamit din ito para sa paggawa ng mga hormone. Dumadaloy ang kolesterol sa pamamagitan ng daluyan ng dugo. Ginagamit ito ng mga tisyu upang gumana nang normal ang mga ito. Kapag mataas ang kolesterol sa dugo, bumubuo ito ng plaque. Naiipon ang plaque sa mga pinakadingding ng mga arterya. Nagdadala ng dugo ang mga arterya mula sa puso patungo sa katawan. Pinakikitid ng plaque ang butas para sa pagdaloy ng dugo. Sa paglipas ng panahon, maaaring hindi na makakuha ng sapat na oxygen ang iyong puso. Maaari itong humantong sa coronary artery disease o atake sa puso. Maaari itong humantong sa stroke.

3 hakbang para maunawaan ang iyong mga panganib

Hakbang 1. Magpasuri ng dugo upang matingnan ang iyong kolesterol

Kumukuha ang tagapagbigay ng pangangalaga ng dugo sa braso ng lalake.

Ang mataas na kolesterol ay walang mga sintomas. Ang pagsusuri ng dugo ang tanging paraan upang malaman kung mataas ang antas ng iyong kolesterol. Ipasuri ang iyong kolesterol bawat 4 hanggang 6 na taon pagkatapos ng edad na 20. Magpasuri nang mas madalas kung mayroon kang iba pang dahilan ng panganib (tingnan sa ibaba). Kadalasang walang kinakailangan na paghahanda ang pagsusuri ng kolesterol. Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan mong mag-ayuno bago ang pagsusuri. Ang sampol ng dugo ay kinukuha at dinadala sa laboratoryo. Sinusukat ang dami ng kolesterol at triglyceride sa iyong dugo. May dalawang uri ng kolesterol sa sampol. Ang una ay HDL (mabuting kolesterol). Ang pangalawa ay LDL (masamang kolesterol). Ang mga resulta ng pagsusuri ng kolesterol ay pinakamadalas na ipinapakita bilang kabuuan ng HDL at LDL kolesterol na numero. Maaari ding sabihin sa iyo ang mga resulta nang hiwalay na HDL at LDL.

Nakabatay sa iyong mga dahilan ng panganib ang iyong malusog na antas ng LDL. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga tungkol sa kung anong antas ang pinakamahusay para sa iyo. Mahalaga na alamin ang bilang ng iyong kolesterol. Kakausapin ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong mga resulta at kung ano ang ibig sabihin ng mga ito para sa iyong kalusugan.

Ano ang iyong mga resulta?

Punan ang iyong mga numero sa ibaba.

HDL kolesterol:                            LDL kolesterol:                          Kabuuang kolesterol:                          Triglyceride:                         

Tandaan

Naiintindihan naming ang kasarian ay isang ispektrum. Maaari kaming gumamit ng mga salitang batay sa kasarian upang talakayin ang tungkol sa anatomiya at panganib sa kalusugan. Mangyaring gamitin ang impormasyong ito sa isang paraan na pinakamahusay na gumagana para sa iyo at sa iyong tagapangalaga habang pinag-uusapan ninyo ang iyong pangangalaga.

Hakbang 2. Alamin ang iyong iba pang dahilan ng panganib para sa sakit sa puso at stroke

Kung paano nakakaapekto ang iyong kolesterol sa kalusugan ng iyong puso ay depende sa lahat ng iyong iba pang dahilan ng panganib. Markahan ang bawat dahilan ng panganib sa ibaba na naaangkop sa iyo:

  • Edad. Ikaw ba ay isang lalaki na 45 taong gulang o mas matanda o isang babae na 55 taong gulang o mas matanda?

  • Presyon ng dugo. Mayroon ka bang altapresyon? Umiinom ka ba ng gamot upang lunasan ang altapresyon?

  • Paninigarilyo. Naninigarilyo ka ba o gumagamit ng mga produktong tabako? Gumagamit ka ba ng mga elektronikong sigarilyo o iba pang produkto na may nikotina? Nagdudulot ang lahat ng ito ng pamamaga sa katawan at sa mga arterya. Maaaring masugatan o mapinsala ang mga namamagang arterya. Maaaring maging sanhi ito upang mabuo ang mga deposito ng kolesterol. Maaaring mabawasan ang pamamagang ito sa pamamagitan ng paghinto sa tabako at nikotina. Pinabababa nito ang iyong panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.

  • Diabetes. Mayroon ka bang diabetes? Mahusay ba na nakokontrol ang lebel ng iyong asukal sa dugo? Maaari mong mapababa ang iyong panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso o stroke sa pamamagitan ng pagpapanatiling mas mababa ang antas ng iyong LDL kaysa kung ano ang ipinapayo para sa mga taong walang diabetes.

  • Ehersisyo. Nag-eehersisyo ka ba nang napakakaunti o hindi masyadong madalas? Ipinapayo ng mga dalubhasa ang hindi bababa sa 30 minuto ng katamtamang tindi ng ehersisyo nang hindi bababa sa 5 araw kada linggo. Maaaring nasa mas mataas na panganib ka para sa mataas na kolesterol at sakit sa puso kung hindi ka nag-eehersisyo nang ganito karami.

  • Diyeta. Kumakain ka ba ng diyeta na mataas sa mga saturated o trans fats, kolesterol, asukal, o alkohol? Maaaring nasa mataas na panganib ka para sa sakit sa puso. Maaaring nasa mas mataas na panganib ka kung hindi ka kumakain ng sapat na mga prutas, gulay, o karneng walang taba.

Lahat ng bagay na nakalista sa itaas ay maaaring magpataas ng panganib para sa mga pagkabara sa mga arterya ng iyong puso, leeg, at mga binti. Maaari itong humantong sa sakit sa puso at atake sa puso. Maaaring humantong ang mga ito sa stroke at peripheral artery disease.

Upang malaman ang iyong pangkalahatang panganib, maaaring gumamit ang iyong tagapangalaga ng risk calculator. Tinitingnan nito ang lebel ng iyong kolesterol at iba pang bagay na naglalagay sa iyo sa panganib. Itanong sa iyong tagapangalaga ang tungkol sa iyong panganib sa 10-taon kung mas matanda ka sa edad na 40. Itanong ang tungkol sa iyong panghabambuhay na panganib kung ikaw ay edad 20 hanggang 39.

Maaaring makipag-usap sa iyo ang iyong tagapangalaga tungkol sa iba pang bagay na maaaring makaapekto sa iyong panganib. Maaaring makaapekto ang mga ito sa iyong mga pagpapasya sa paggamot. Kabilang sa mga ito ang:

  • May kasaysayan ng sakit sa puso ang pamilya bago ang edad na 55 sa mga lalaking kamag-anak

  • May kasaysayan ng sakit sa puso ang pamilya bago ang edad na 65 sa mga babaeng kamag-anak

  • Pangunahing mataas na kolesterol

  • Metabolic syndrome

  • Hindi gumagaling na sakit sa bato

  • Mga hindi gumagaling na kondisyong pamamaga tulad ng rheumatoid arthritis, psoriasis, o HIV/AIDs

  • Menopos bago ang edad na 40

  • Altapresyon sa panahon ng pagbubuntis (preeclampsia)

  • Lahi (halimbawa, pagiging taga-Timog Asya)

  • Iba pang sakit ng lipid sa dugo

Hakbang 3: Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tutulungan ka ng iyong tagapangalaga na maintindihan ang iyong panganib at ang mga opsyon sa paggamot. Kung napakataas ang antas ng iyong kolesterol, papayuhan ka ng iyong tagapangalaga kung paano mo mapababa ang mga ito. Maaaring kasama sa mga hakbang ang pagbabago sa diyeta at mas maraming pisikal na aktibidad. Kung naninigarilyo ka, dapat kang huminto. Gumawa ng plano na magiging mabisa para sa iyo.

Masusuri ng iyong tagapangalaga ang iyong mga panganib ng sakit sa puso o stroke. Magagabayan nito ang iyong desisyon na simulan ang pag-inom ng gamot tulad ng statin upang gamutin ang iyong kolesterol at pababain ang iyong mga panganib.

Kung mayroon kang mataas na kolesterol, maaaring kailanganin mong magpasuri ng dugo nang mas madalas. Ito ay upang masiguro na ang iyong gamot at mga pagbabago sa istilo ng pamumuhay ay gumagana upang mabawasan ang iyong kolesterol.

Sa ilang kaso, maaaring kailangan mo ng mas maraming pagsusuri. Maaaring kabilang dito ang coronary artery calcium (CAC) scan. Sinusukat ng pag-scan na ito ang dami ng calcium sa mga arterya ng puso. Kung mayroon kang mga deposito ng calcium sa isang arterya, nangangahulugan ito na nagsisimulang maipon ang plaque. Ang mga resulta ng pagsusuri ay ibinibigay bilang iskor ng calcium. Makatutulong itong gumabay sa pagpapasya na simulan ang pag-inom ng mga gamot sa kolesterol tulad ng statins.

Maaaring magbago sa paglipas ng panahon ang iyong mga dahilan ng panganib, kabilang ang mga antas ng kolesterol. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga sa bawat pagbisita sa wellness.

Online Medical Reviewer: Callie Tayrien RN MSN
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer: Steven Kang MD
Date Last Reviewed: 4/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer