Mga Tagubilin sa Paglabas sa Ospital para sa Cardiac Catheterization
Isang pamamaraan sa loob ng katawan ang cardiac catheterization upang suriin ang partikular na mga problema sa puso na may sangkot ang mga chamber ng puso, balbula, at daluyan ng dugo. Ilalagay ang isang manipis at nababanat na tubo (catheter) sa isang daluyan ng dugo sa iyong singit o braso. Kapag naipasok na ang catheter sa puso maaari nang makuha ang mga sukat upang suriin ang daloy ng dugo, presyon, at oxygen. Maaaring magturok ang tagapangalaga ng kalusugan ng contrast fluid sa iyong dugo, na siyang dadaloy sa iyong puso. Pagkatapos, kukunan ng mga larawan ang iyong puso gamit ang x-ray.
Kadalasang isinasagawa ang “coronary angiography” bilang bahagi ng cardiac catheterization na naghahanap ng mga baradong bahagi sa mga arterya na nagdadala ng dugo papunta sa puso. Kapag may natagpuang malaking pagbabara, maaaring subukan ng iyong doktor na buksan ang arterya, na kadalasang kasama ang paglalagay ng stent. Susuriin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang mga resulta ng iyong pamamaraan na kasama ka. Siguraduhing magtanong ng anumang tanong na mayroon ka bago ka umalis. Makatutulong sa iyo ang pahinang ito upang maalagaan ang iyong sarili sa bahay.
Pangangalaga sa tahanan
-
Huwag magmaneho o gumawa ng anumang mahalagang desisyon sa loob ng hindi bababa sa 24 na oras pagkatapos mabigyan ng anumang pampakalma o pampamanhid.
-
Magkaroon ng isang responsableng taong nasa hustong gulang na maghahatid sa iyo pauwi pagkatapos ng iyong pamamaraan.
-
Gumawa lamang ng magagaan at madadaling gawain sa susunod na 2 hanggang 3 araw. Humingi ng tulong sa mga gawaing-bahay at utos habang nagpapagaling ka. Magkaroon ng isang taong maghahatid sa iyo sa mga appointment mo.
-
Huwag munang magbuhat ng anumang mabigat na bagay hanggang sa sabihin sa iyo ng iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan kung kailan ulit ligtas na magbuhat.
-
Tanungin ang iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan kung kailan mo maaasahang bumalik sa trabaho. Maliban kung sangkot ang pagbubuhat sa trabaho mo, maaari ka nang bumalik sa iyong karaniwang mga gawain sa loob ng ilang araw.
-
Inumin ang iyong mga gamot ayon sa itinagubilin. Huwag laktawan ang mga dosis.
-
Uminom ng 6 hanggang 8 basong tubig araw-araw. Ito ay upang makatulong na mailabas ang contrast dye sa iyong katawan. Tawagan ang iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan kung mayroong anumang pagbabago sa kulay ng iyong ihi.
-
Kunin ang iyong temperatura bawat araw sa loob ng 7 araw. Kung makaramdam ka ng panlalamig at panlalagkit o magsimulang pawisin, agad na kunin ang iyong temperatura at tawagan ang iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan.
-
Tingnan ang iyong mga hiwa araw-araw para sa mga palatandaan ng impeksyon. Kabilang sa mga ito ang pamumula, pamamaga, at pagtagas. Normal na magkaroon ng maliit na pasa o bukol kung saan ipinasok ang catheter. Hindi normal ang lumalaking pasa at dapat itong ipaalam sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan. Kung may makita kang namumuong dugo sa hiwa, tumawag sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan. Pumunta sa emergency department kung mayroon kang di-makontrol na pagdurugo sa bahagi ng arterya. Maaari itong mangyari lalo na kung umiinom ka ng mga gamot na nagpapahirap sa dugo mo para mamuo. Mga halimbawa ang aspirin, clopidogrel, at warfarin.
-
Kumain ng wastong pagkain. Tiyaking kakaunti ang taba, asin, at kolesterol nito. Humingi sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan ng impormasyon sa pagdidiyeta.
-
Ihinto ang paninigarilyo. Magpatala sa isang programa sa paghinto sa paninigarilyo o humingi ng tulong sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan. Nakapagliligtas ng buhay ang mga programa sa paghinto sa paninigarilyo.
-
Mag-ehersisyo ayon sa sinabi ng iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring imungkahi sa iyo ng iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan na umpisahan ang isang programa sa rehabilitasyon ng puso. Isang programa sa pag-eehersisyo ang rehabilitasyon ng puso kung saan binabantayan ng sinanay na tauhan sa pangangalaga ng kalusugan ang iyong pagsulong at stress sa iyong puso habang nag-eehersisyo ka. Itanong sa iyong team kung paano magpatala.
-
Huwag munang lumangoy at maligo hanggang sa sabihin sa iyo ng iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan na OK na. Maaari kang mag-shower sa araw pagkatapos ng pamamaraan. Panatilihing malinis at tuyo ang lugar. Pinipigilan nitong mabasa at maimpeksiyon ang hiwa hanggang sa humilom ang balat at arterya.
-
Siguraduhing sundin ang lahat ng mga tagubilin pagkatapos ng pangangalaga sa ospital.
Follow-up na pangangalaga
-
Makipag-appointment para sa follow-up ayon sa ipinayo ng aming tauhan. Pangkaraniwan na magkaroon ng follow-up na appointment 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng pamamaraan na angioplasty o paglalagay ng stent sa puso.
-
Gawin din ang taunang appointment. Ito ay upang matiyak na mabuti ang iyong kalagayan at hindi ka nagkakaroon ng anumang bagong sintomas.
-
Huwag hintayin ang kasunod na appointment kung hindi tumatalab ang iyong mga gamot o nakararanas ka ng mga sintomas na may kaugnayan sa puso.
Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga
Tumawag agad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga sumusunod:
-
Pananakit ng dibdib
-
Patuloy o nadaragdagang pananakit o pamamanhid sa iyong binti
-
Lagnat na 100.4° F ( 38.0°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Mga sintomas ng impeksyon. Kabilang sa mga ito ang pamumula, pamamaga, pagtagas, o pag-iinit sa bahagi ng hiwa.
-
Kakapusan sa hininga
-
Binti na nanlalamig o nagmumukhang asul
-
Pagdurugo, pagkapasa, o maraming pamamaga kung saan ipinasok ang catheter
-
Dugo sa iyong ihi
-
Maitim o tulad ng alkitran na dumi
-
Anumang hindi karaniwang pagdurugo
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.