Mga Tagubilin sa Paglabas: Pag-uuwi sa Iyong Kulang-Sa-Buwan na Sanggol Mula sa NICU
Karamihan sa mga sanggol na kulang-sa-buwan ang handa nang umuwi sa bahay kapag sila ay:
-
Kaya nang magpanatili ng matatag na temperatura ng katawan sa isang bukas na kuna
-
Humihinga nang mag-isa nang walang anumang apnea. Ang ibig sabihin ng apnea ay mga paghinto sa paghinga na tumatagal nang mas mahaba sa 15 hanggang 20 segundo.
-
Paghinga nang walang pagbaba sa tibok ng puso (bradycardia)
-
Sa kumpletong pagpapasuso, pagdede sa bote, o pareho
-
Kumakain ng sapat na calories upang madagdagan ang timbang
-
Kayang matulog nang ligtas nang nakatihaya na nakalapat ang ulo sa kama
Ano ang dapat kong gawin bago ko iuwi sa bahay ang aking sanggol?
 |
Tumutulong ang upuan sa sasakyan na sumusuporta sa ulo na maiwasan ang mga problema sa daluyan ng hangin. |
-
Siguraduhing mayroong kang isang upuan sa sasakyan na naaangkop para sa mga sanggol na kulang-sa-buwan. Nangangahulugan ito na isang nakaharap sa likod na upuan sa sasakyan na may isang 5-point harness na lapat na lapat. Dapat na sapat ang liitang upuan ng sasakyan upang ligtas na masuportahan at mapigilan ang sanggol. Maaaring hilingin sa iyo na dalhin ang iyong car seat sa ospital ilang araw bago lumabas. Ito ay para masuri ito upang matiyak na tama ito para sa iyong sanggol. Ang mga sanggol na isinilang nang mahigit sa 3 linggo bago ang kanilang takdang petsa ay magkakaroon ng pag-screen ng car seat bago sila umalis sa NICU. Magkakaroon din ng pag-screen ng car seat ang mga sanggol na nasa panganib ng mga problema sa puso o baga. Sinusuri ng pag-screen ng car seat ang kanilang paghinga, pintig ng puso, at mga lebel ng oxygen sa car seat bago umalis sa NICU. Ipapakita sa iyo ng mga nars kung paano gagawin ang espesyal na pagpoposisyon ng car seat kung kinakailangan.
-
Mag-iskedyul ng isang pagbisita sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol.
-
Kung gagamit ng anumang kagamitan sa bahay ang iyong sanggol, siguraduhing talakayin ito sa iyong espesyalista sa pantahanang pangangalaga ng kalusugan bago ang paglabas. Tiyakin na ang iyong bahay ay may sapat na kagamitan at nauunawaan mo kung paano ito gamitin nang tama.
-
Kung uuwi ang iyong sanggol na may iinumin na anumang gamot, tiyakin na alam mo kung paano at kailan ibibigay ang mga gamot sa iyong sanggol.
-
Kung uuwi ang iyong sanggol na may espesyal na diyeta, tiyakin na alam kung gaano ang dami ng ipapakain sa iyong sanggol at kung gaano kadalas.
-
Kumuha ng isang klase upang matuto ng CPR sa sanggol.
Mga natatanging isyung pangkaligtasan sa tahanan para sa mga sanggol na kulang-sa-buwan
Kapag handa na silang umuwi, katulad lamang ang mga sanggol na kulang-sa-buwan ng iba pang maliliit na sanggol. Ngunit maaari mong kailanganin na maging sobrang maingat sa mga tiyak na bagay:
-
Protektahan ang iyong sanggol mula sa mga impeksiyon. Ang pagpapasuso o pagpapadede sa bote ng gatas na mula sa dibdib ng ina ay nagbibigay ng higit na proteksyon sa imyunidad. Ngunit hindi pinipigilan ang lahat ng impeksiyon. Dapat kang madalas na maghugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig. Dapat din itong gawin ng sinumang nag-aalaga sa iyong sanggol. Limitahan ang pakikipag-ugnayan sa mga bisita. Huwag pumunta sa matataong pampublikong lugar. Kung may sakit ang mga tao sa tahanan, subukang limitahan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa sanggol.
-
Gawing mga lugar na hindi puwedeng manigarilyo ang iyong bahay at sasakyan. Dapat na tumigil ang sinumang naninigarilyo sa sambahayan. Dapat na manigarilyo lamang sa labas, malayo sa mga pinto at bintana, ang mga bisita o miyembro ng tahanan na hindi kaya o ayaw tumigil.
-
Kung may apnea monitor ang iyong sanggol, siguraduhing naririnig mo ito mula sa bawat silid ng bahay.
-
Maging malaya na dalhin sa labas ang iyong sanggol, ngunit huwag magkaroon ng mahabang pagkalantad sa mga ihip ng hangin o direktang sikat ng araw.
Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan
Tumawag sa NICU kung mayroon kang mga tanong tungkol sa mga tagubilin na ibinigay sa iyo sa paglabas.
Tumawag sa iyong pediatrician o tagapangalaga ng kalusugan kung ang iyong sanggol ay:
-
May lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol
-
May temperatura na mababa sa 97.5°F (36.4°C), o ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong sanggol
-
Hindi interesado sa pagpapakain, kakaunti ang nakakain, o isinusuka ang kinain
-
May mas kaunti sa 6 na basang diaper kada araw
-
May mga pagbabago sa pagdumi, o itim o matingkad na pulang dumi
-
Regular na umiiyak o abnormal na maselan
-
Hindi gaanong aktibo kaysa karaniwan at pagod
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung ang iyong sanggol ay:
-
Nahihirapang huminga o may pagbabago sa pattern ng paghinga
-
Mukhang asul o maputla sa paligid ng ilong, mga labi o sa balat
-
Matamlay o bumaba ang tono ng kalamnan
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.