Search Results
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Checkup ng Sanggol na Walang Sakit: 4 na Buwan

Sa check-up sa ika-4 na buwan, susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang iyong sanggol. Kukumustahin niya ang mga kaganapan sa bahay. Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.

Sanggol na nakahiga sa kuna at inaabot ang mobile.

Pag-unlad at mga tagumpay

Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong sanggol. Babantayan niya ang iyong sanggol upang magkaroon ng ideya tungkol sa kanyang pag-unlad. Sa pagbisitang ito, karamihang sanggol ang gumagawa ng mga ito:

  • Naititingala ang kanyang ulo

  • Ginagamit ang kanyang braso upang kumampay sa mga laruan

  • Hinahawakan ang laruan kapag inilagay mo ito sa kanyang kamay

  • Gumagawa ng mga tunog tulad ng "oooo" at "aahh"

  • Tumatawa kapag sinusubukan mong patawahin siya

  • Lumilingon patungo sa tunog ng iyong boses

  • Inilalagay ang mga kamay sa bibig

  • Ngumingiti nang mag-isa upang makakuha ng atensyon mula sa tagapag-alaga

Mga payo sa pagpapakain

Upang matulungan ang iyong sanggol na kumain nang mabuti:

  • Panatilihing pakainin ang iyong sanggol gamit ang gatas ng ina o formula. Sa gabi, pakainin ang iyong sanggol kapag nagising. Sa edad na ito, maaaring may mga mas mahahaba pang pagtulog nang walang pagpapakain. OK lang ito. Siguraduhin lang na nabubusog ang iyong sanggol sa araw at lumalaki nang maayos.

  • Dapat tumatagal ang mga sesyon ng pagpapasuso ng 10 hanggang 15 minuto. Gamit ang bote, unti-unting dagdagan ang dami ng gatas ng ina o formula na ibibigay mo sa iyong sanggol. Iinom ng halos 4 hanggang 6 na onsa ang karamihang sanggol. Ngunit maaari itong mag-iba-iba.

  • Kung nag-aaala ka tungkol sa kung gaano karami o gaano kadalas kumain ang iyong sanggol, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan.

  • Tanungin ang tagapangalaga ng kalusugan kung kailangang uminom ng iyong sanggol ng bitamina D.

  • Itanong kung kailan ka dapat magsimulang magpakain sa sanggol ng matitigas na pagkain. Maaaring magsimulang kumain ng malambot o purong pagkain ang malulusog at kumpleto sa buwan na mga sanggol pagsapit ng halos 4 na buwang gulang.

  • Maraming sanggol ang lumulura pa rin matapos kumain sa edad na 4 na buwan. Sa karamihang kaso, normal ito. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung makakita ka ng biglaang pagbabago sa mga gawi sa pagkain ng iyong sanggol.

Mga payo sa kalinisan ng katawan

  • Dumudumi ang ilang sanggol nang ilang beses sa isang araw. Dumudumi naman ang iba ng kaunti sa isang beses bawat 2 hanggang 3 araw. Anumang bagay sa saklaw na ito ay normal.

  • Ayos lang kung dumudumi ang iyong sanggol nang madalang sa kada 2 hanggang 3 araw kung malusog naman ang sanggol. Ngunit kung nagiging maselan ang iyong sanggol, lumulura nang higit sa normal, kumakain nang mas kaunti kaysa sa karaniwan, o may napakatigas na dumi, sabihin sa tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring tinitibi ang iyong sanggol. Nangangahulugan ito na hindi sila makadumi.

  • Ang dumi ng iyong sanggol ay maaaring maging kulay ng mustasang dilaw o kulay kape o berde. Kung nagsimulang kumain ng matitigas na pagkain ang iyong sanggol, magbabago ang parehong texture at kulay ng dumi. 

  • Paliguan ang iyong sanggol nang halos 3 beses kada linggo. Maaaring matuyo ang kanyang balat sa paliligo nang madalas.

Mga payo sa pagtulog

Sa 4 na buwang gulang, natutulog ang karamihang sanggol nang humigit-kumulang sa 15 hanggang 18 oras bawat araw. Ang mga sanggol sa ganitong edad ay natutulog nang maiikli sa buong araw, sa halip na ilang oras nang minsan. Malamang na magbago ito sa susunod na ilang buwan habang nananatili ang iyong sanggol sa regular na mga oras ng pag-idlip. At, normal para sa sanggol na maging maselan bago matulog sa gabi (bandang 6 p.m. hanggang 9 p.m.). Upang tulungan ang iyong sanggol na makatulog nang ligtas at mahimbing:

  • Ihiga ang sanggol sa lahat ng pagtulog hanggang siya ay 1 taong gulang. Gumamit ng isang matibay at patag na higaan sa pagtulog. Maaari nitong mapababa ang panganib ng SIDS (syndrome na biglaang pagkamatay ng sanggol). Pinabababa nito ang panganib ng paglanghap ng mga likido (aspiration) at mabulunan. Huwag kailanman ihiga ang sanggol nang patagilid o pataob para matulog o umidlip. Kung gising ang sanggol, hayaang dumapa ang bata hangga't mayroong nagbabantay. Makatutulong ito sa bata na magkaroon ng malalakas na mga kalamnan sa tiyan at leeg. Makatutulong din ito na mabawasan ang pagiging sapad ng ulo. Maaaring mangyari ito kapag gumugugol ng maraming oras ang mga sanggol sa paghiga na nakalapat ang likod.

  • Tanungin ang tagapangalaga ng kalusugan kung dapat mong hayaan ang iyong sanggol na matulog na may pacifier. Napatunayan na ang pagtulog na may pacifier ay nakababawas sa panganib ng SIDS. Ngunit hindi ito dapat ibigay hanggang hindi pa naitataguyod ang pagpapasuso. Kung ayaw ng iyong sanggol sa pacifier, huwag siyang pilitin na gumamit nito.

  • Maaaring mapanganib ang pagbabalot sa sanggol nang mahigpit sa isang kumot (pagbibigkis) sa edad nito. Kung ibinigkis ang isang sanggol at gumulong at dumapa, maaaring hindi siya makahinga. Huwag gumamit ng mga kumot na pambigkis. Sa halip, gumamit ng kumot na pantulog upang panatilihing naiinitan ang iyong sanggol na malaya ang braso.

  • Huwag maglagay ng crib bumper, unan, maluluwag na kumot, o stuffed toy sa kuna. Maaari itong maging dahilan upang hindi makahinga ang sanggol.

  • Huwag ilagay ang iyong sanggol sa isang sopa o armchair para matulog. Inilalagay ang sanggol sa mas mataas na panganib ng pagkamatay, kabilang ang SIDS dahil sa pagtulog sa sopa o armchair.

  • Huwag gumamit ng mga upuan ng sanggol, upuan sa kotse, mga stroller, infant carriers, o duyan ng sanggol para sa rutinang pagtulog at araw-araw na mga pag-idlip. Maaari itong humantong sa pagkabara (obstruction) ng daluyan ng hangin ng sanggol o hindi makahinga.

  • Huwag itabi ang iyong sanggol sa kama (makitulog). Napatunayan na nadaragdagan ang panganib para sa SIDS ng pagtatabi sa sanggol sa iyong kama. Ipinapayo ng American Academy of Pediatrics na matulog ang mga sanggol sa parehong kuwarto ng kanilang mga magulang, malapit sa kama ng kanilang magulang, ngunit sa isang hiwalay na kama o kuna na angkop para sa mga sanggol. Ipinapayo ang kaayusang ito sa pagtulog na mainam sa unang taon ng sanggol. Ngunit dapat itong mapanatili sa loob ng unang 6 na buwan. 

  • Laging ilagay sa lugar na walang panganib ang mga kuna, bassinet (kuna na gawa sa tambo o dayami), at palaruan. Ito ay upang mabawasan ang panganib ng pagkasakal. Siguraduhing walang mga nakabitin na lubid, kawad, o mga kurtina sa bintana. 

  • Ito ang magandang edad upang simulan ang rutina ng pagtulog. Sa paggawa ng mga parehong bagay bawat gabi bago matulog, matututunan ng sanggol kapag oras na upang matulog. Halimbawa, maaaring ang iyong rutina sa pagtulog ay paliligo, na sinusundan ng pagpapakain, kasunod ng pagpapatulog.

  • OK na hayaang umiyak ang iyong sanggol sa kama. Makatutulong ito sa iyong sanggol na matutunang matulog sa buong gabi. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung gaano katagal na hahayaan ang pag-iyak bago ka lumapit.

  • Kung nahihirapan ka sa pagpapatulog sa iyong sanggol, humingi ng mga payo sa tagapangalaga ng kalusugan.

Mga payong pangkaligtasan

  • Sa edad na ito, nagsisimula ang mga sanggol na magsubo ng mga bagay sa kanilang mga bibig. Huwag hayaan ang iyong sanggol na makalapit sa anumang maliit na bagay na maaaring makasamid sa kanya. Bilang tuntunin, maaaring makasamid sa sanggol ang isang bagay na napakaliit na kasya sa loob ng toilet paper tube.

  • Kapag dinala mo sa labas ang iyong sanggol, huwag masyadong magtagal nang direkta sa sikat ng araw. Panatilihing may takip ang sanggol, o pumunta sa lilim. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol kung OK na magpahid ng sunscreen sa balat ng iyong sanggol.

  • Sa kotse, laging ilagay ang sanggol sa upuang nakaharap sa likod. Dapat itong matibay at ligtas sa upuan sa likod. Sundin ang mga tagubilin na kasama ng upuan sa kotse. Huwag kailanman iwanang nag-iisa ang sanggol sa kotse.

  • Huwag iwanan ang sanggol sa mataas na ibabaw, tulad ng mesa, kama, o sopa. Maaari siyang mahulog at masaktan. At, huwag iupo ang sanggol sa magalaw na upuan sa mataas na lugar.

  • Hindi ipinapayo ang mga walker na may gulong. Mas ligtas ang stationary (hindi gumagalaw) na mga lugar ng aktibidad. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mga tanong tungkol sa kung anong laruan at kagamitan ang ligtas para sa iyong sanggol. 

  • Maaaring hawakan at laruin ng mas nakatatandang mga kapatid ang sanggol hangga't may nakabantay na nasa hustong gulang. 

Mga bakuna

Batay sa mga rekomendasyon mula sa CDC, maaaring makakuha ng mga sumusunod na bakuna ang iyong sanggol sa pagbisitang ito:

  • Dipterya, tetano, at pertussis

  • Haemophilus influenzae type b

  • Pneumococcus

  • Polio

  • Rotavirus

  • Respiratory syncytial virus (RSV) monoclonal antibody

Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol kung aling mga bakuna ang ipinapayo sa pagbisitang ito. Makatutulong din ang pagkakaroon ng kumpletong bakuna ng iyong sanggol na mapababa ang kanyang panganib sa SIDS.

Pagbalik sa trabaho

Maaaring nakabalik ka na sa trabaho o naghahandang gawin ito sa lalong madaling panahon. Alinmang paraan, normal na makaramdam ng pagkabalisa o pagkakasala tungkol sa pag-iwan sa iyong sanggol sa pangangalaga ng ibang tao. Maaaring makatulong ang mga payong ito sa proseso:

  • Ibahagi sa iyong asawa ang mga alalahanin mo. Magtulungan upang bumuo ng iskedyul na binabalanse ang mga trabaho at pag-aalaga sa bata.

  • Hingin sa mga kaibigan o kamag-anak na may mga anak na magrekomenda ng tagapag-alaga ng bata o daycare center.

  • Bago iwanan ang sanggol sa ibang tao, piliing mabuti. Panoorin kung paano makihalubilo ang mga tagapag-alaga sa iyong sanggol. Magtanong at suriin ang mga nagrekomenda. Kilalanin ang mga tagapag-alaga ng iyong sanggol upang makabuo ka ng nagtitiwalang relasyon.

  • Palaging magpaalam sa iyong sanggol, at sabihin na babalik ka sa tiyak na oras. Mauunawaan ng ganito pa kabata ang iyong nakapagpapalakas ng loob na tono.

  • Kung nagpapasuso ka, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol o sa isang consultant sa pagpapasuso tungkol sa kung paano ito patuloy na gagawin. Maraming ospital ang nagbibigay ng mga klase sa pagbabalik sa trabaho at mga grupong sumusuporta sa mga nagpapasusong magulang.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer