Pag-angkop sa Pagbubuntis: Ikalawang Tatlong Buwan
Panatilihin ang magagandang gawi na sinimulan mo sa iyong unang tatlong buwan. Maaaring mas pagod ka kaysa karaniwan. Kaya planuhin nang matalino ang iyong araw. Tingnan ang mga payo sa ibaba at piliin ang mga naaangkop sa iyong pamumuhay.
Tandaan
Kung mayroon kang anumang tanong, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
Kung nagtatrabaho ka
Kung maaari, i-adjust ang iyong trabaho kasama ang iyong employer upang umangkop sa iyong mga pangangailangan. Subukan ang mga payo na ito:
-
Kung nakatayo ka nang napakatagal, humanap ng mga paraan upang gawin ang ilang gawain habang nakaupo. At, subukang tumayo nang nakapatong ang 1 paa sa isang mababang bangkito o pasimano. Ilipat-lipat ang iyong bigat mula isang paa papunta sa kabilang paa nang madalas. Magsuot ng sapatos na mababa ang takong.
-
Kung nakaupo ka, panatilihing nakapantay ang iyong mga tuhod sa iyong balakang. Ipatong ang iyong mga paa sa matibay na ibabaw. Umupo nang tuwid na may suporta para sa iyong ibabang likod.
-
Kung nagtatrabaho ka nang mahahabang oras, hilingin ang tungkol sa pag-a-adjust ng iyong iskedyul. Subukang magkaroon ng mas maiikling pahinga nang mas madalas.
Kapag nagbibiyahe ka
Maaaring pinakamagandang panahon ang ikalawang tatlong buwan para sa anumang pagbiyahe. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang espesyal na plano na maaring kailangan mong gawin. Laging:
-
Magsuot ng seat belt. Ikabit ang bahaging pangkandungan sa ilalim ng iyong tiyan. Isuot din ang bahaging pangbalikat.
-
Magpahinga nang madalas sa panahon ng mahahabang pagbiyahe sa sasakyan o eroplano. Gumalaw upang iunat ang iyong mga binti.
-
Uminom ng maraming likido sa mga paglipad. Tuyong-tuyo ang hangin sa mga cabin ng eroplano.
-
Lumayo sa maiinit na klima o matataas na lugar kung hindi ka sanay sa mga ito.
-
Lumayo sa mga lugar kung saan maaari kang magkasakit dahil sa pagkain at tubig.
-
Tiyaking up-to-date ka sa lahat ng bakuna, kabilang ang bakuna laban sa trangkaso. Higit na mahalaga ito kapag bumibiyahe sa ibang bansa.
Paglalaan ng oras para magrelaks
Maglaan ng oras para magpahinga at magrelaks sa trabaho o sa tahanan:
-
Mgkaroon ng maiikling pahinga araw-araw. Gawin ang mga ehersisyo sa pagrerelaks.
-
Huminga nang malalim sa mga oras na nakababahala.
-
Sikaping huwag tumanggap nang labis. Planuhin ang mga gawain para sa mga panahong pinakamarami ang iyong enerhiya.
-
Umidlip ka kung maaari. O umupo at magrelaks na lamang.
-
Pagkatapos ng ika-16 na linggo, huwag humiga nang nakatihaya nang higit sa ilang minuto. Sa halip, humiga ka nang patagilid. Madalas na magpalit ng mga panig.

Pakikipagtalik
Maliban kung iba ang sinasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan, walang dahilan upang ihinto ang pakikipagtalik ngayon. Tumataas ang supply ng dugo sa bahagi ng balakang sa ikalawang tatlong buwan. Dahil dito, maaaring maging mas kasiya-siya ang pakikipagtalik. Sumubok ng iba't ibang posisyon at tingnan kung ano ang pinakamainam. Kausapin din ang iyong partner tungkol sa anumang pagbabago sa pagnanasa. Maaaring mangyari ang spotting pagkatapos ng pagtatalik. Ipagbigay-alam sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroong malakas na pagdurugo.
Pagpapanatiling ligtas ng iyong kapaligiran
Maaari ka pa rin maglinis ng iyong bahay at gumamit ng mababangong produkto. Gumawa lamang ng ilang simpleng pag-iingat:
-
Magsuot ng mga guwantes kapag gumagamit ng mga likidong panlinis.
-
Buksan ang mga bintana upang pumasok ang sariwang hangin. Gumamit ng fan kapag nagpipintura ka.
-
Lumayo sa usok ng sigarilyo ng iba.
-
Huwag lumanghap ng singaw mula sa nail polish, spray ng buhok, mga panlinis, o iba pang kemikal.
Paano nakaaapekto ang mga pang-araw-araw na problema sa iyong kalusugan
Maraming bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay ang nakaaapekto sa iyong kalusugan. Kabilang dito ang transportasyon, mga problema sa pera, pabahay, access sa pagkain, at pag-aalaga ng anak. Kung hindi ka makakakuha ng mga medical na appointment, maaaring hindi ka makatanggap ng pangangalaga na kailangan mo. Kapag kulang ang pera, maaaring mahirap na mabayaran ang mga gamot. At maaaring maging mahirap na bumili ng masustansyang pagkain ang pagtira na malayo sa isang grocery store.
Kung mayroon kang mga alalahanin sa alinman sa mga ito o iba pang larangan, makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Maaaring may alam silang mga lokal na mapagkukunan upang tulungan ka. O maaaring mayroon silang tauhan na makatutulong sa iyo.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.