Search Results
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagpapatulog sa Iyong Sanggol

Mabilis na lumalaki ang iyong bagong silang na sanggol, na gumagamit ng maraming enerhiya. Bilang resulta, ang iyong bagong silang na sanggol ay maaaring matulog nang humigit-kumulang 16 hanggang 17 oras sa isang araw (kabilang ang mga pag-idlip). Kapag ang iyong sanggol ay 4 hanggang 12 buwan, maaari siyang matulog nang humigit-kumulang 12 hanggang 16 na oras sa isang araw (kabilang ang pag-idlip). Malamang na hindi makakatulog nang matagal ang iyong bagong silang na sanggol. Ngunit walang tuntunin sa kung kailan o gaano katagal natutulog ang sanggol. Ang mga payong ito ay makatutulong sa iyong sanggol na makatulog nang ligtas.

Saan dapat matulog ang iyong sanggol?

Nakadepende sa kung ano ang tama para sa iyo at sa iyong pamilya kung saan matutulog ang iyong sanggol. Narito ang ilang kaisipang dapat tandaan habang nagpapasya ka:

  • Ang isang bagong silang na sanggol ay maaaring makaramdam na mas ligtas sa isang bassinet kaysa sa isang kuna.

  • Palaging gumamit ng matatag at patag na ibabaw na tutulugan para sa iyong sanggol. Huwag gumamit ng isang nakaanggulo o nakahilig. Tiyaking nakatutugon ito sa kasalukuyang mga pamantayang pangkaligtasan ng Consumer Product Safety Commission (CPSC). Huwag gumamit ng car seat, carrier, duyan, o mga katulad na lugar para matulog ang iyong sanggol.

  • Ipinapayo ng American Academy of Pediatrics na matulog ang mga sanggol sa parehong kuwarto ng kanyang mga magulang. Dapat malapit ang sanggol sa kama ng kanyang mga magulang, ngunit sa isang hiwalay na kuna o bassinet. Ipinapayo ito sa loob ng hindi bababa sa unang 6 na buwan.

Pagtulong sa iyong sanggol na makatulog nang ligtas

Mga payo ang mga ito para sa malusog na sanggol hanggang sa edad na 1 taon. Alamin ang mga ABC ng ligtas na pagtulog ng sanggol:

  • A ay para sa Alone o Mag-isa. Patulugin ang iyong sanggol sa kanyang kuna nang mag-isa. Alisin mula sa kuna ang malalambot na bagay tulad ng mga laruan, crib bumpers, at mga kumot.

  • B ay para sa Back o Nakatihaya. Ihiga nang nakatihaya ang iyong sanggol para matulog. Gawin ito pareho sa panahon ng mga pag-idlip at sa gabi. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ito ang pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang panganib para sa SIDS (sudden infant death syndrome) o iba pang mga sanhi ng pagkamatay ng sanggol na may kaugnayan sa pagtulog. Huwag ihiga nang padapa ang sanggol upang matulog.

  • C ay para sa Crib o Kuna. Gumamit ng ligtas na higaan sa pagtulog. Dapat matulog ang mga sanggol sa isang matatag, patag na higaan. Huwag gumamit ng isang nakaanggulo o nakahilig. Ang mga ligtas na halimbawa ay isang kuna, bassinet, portable crib, o play yard na sumusunod sa mga pamantayang pangkaligtasan ng CPSC. Tingnan ang CPSC website sa www.cpsc.gov upang matiyak na ang produkto ay hindi binawing depektibong produkto. Lalo itong mahalaga para sa mga gamit nang kuna. Huwag gumamit ng mga sirang kuna o mga kuna na may nawawalang mga tagubilin o mga bahagi. Maraming sanggol ang namatay sa mga kunang sira o may nawawalang mga bahagi. Ang espasyo sa pagitan ng mga harang ng kuna ay dapat hindi hihigit sa 2-3/8 pulgada ang pagitan. Sa ganitong paraan, hindi maipapasok ng sanggol ang kanyang ulo sa pagitan ng mga harang at magbara.

Babaing pinatutulog ang sanggol nang nakahiga.
Palaging patulugin nang nakahiga ang iyong sanggol.

Protektahan ang iyong sanggol gamit ang mga payong pangkaligtasan na ito:

  • Huwag manigarilyo o gumamit ng nikotina sa paligid ng iyong sanggol. Ilayo ang anumang uri ng usok mula sa iyong sanggol. Walang dapat gumamit ng sigarilyo, marijuana, o vape sa iyong bahay. Ang mga sanggol na nalantad sa usok ay mas madalas magkasipon at magkasakit. Ang anumang uri ng usok ay nagdaragdag sa panganib ng isang sanggol na mamatay habang natutulog, lalo na ang mga sanggol na maysakit.

  • Huwag itabi sa pagtulog sa kama ang iyong sanggol. Napakahalaga nito kung ang iyong sanggol ay napakabata o napakaliit o ipinanganak nang kulang sa buwan. Napakahalaga rin nito kung umiinom ka ng alak, gumamit ng marijuana, o uminom ng anumang gamot o ilegal na droga. Huwag patulugin ang iyong sanggol sa isang kama kasama ng iba pang bata o matatanda. Maaari mong dalhin ang iyong sanggol sa iyong kama para sa pagpapakain at pagpapanatag. Ngunit ibalik ang iyong sanggol sa kuna o bassinet para matulog. Huwag matulog kasama ang iyong sanggol. Hindi rin ipinapayo ang pagbabahagi ng kama para sa kambal o iba pang multiples.

  • Gumamit ng tamang kama. Ang iyong sanggol ay dapat matulog sa isang matatag at patag na kutson o matigas na ibabaw na hindi nakahilig. Ang kutson ay dapat magkasya nang mahigpit at idinisenyo para lamang sa kuna. Takpan ang kutson ng isang lapat na kumot. Huwag gumamit ng malalambot na kumot o mga comforter. Huwag hayaang matulog ang iyong sanggol sa pang-adultong kama, waterbed, air mattress, sofa, balat ng tupa, unan, o iba pang malambot na materyal. Huwag maglagay ng malalambot na laruan, unan, o bumper pad sa kuna. Huwag gumamit ng may pabigat na mga kumot, pantulog, bigkis, o iba pang may pabigat na bagay. Tiyakin na walang nakatakip sa ulo ng iyong sanggol. Pinatataas ng mga ito ang panganib na hindi makahinga ang sanggol.

  • Ilagay ang iyong sanggol sa iba pang posisyon habang siya ay gising. Tumutulong ito sa iyong sanggol na lumaking mas malakas. Tumutulong din itong mapigilan ang hindi magandang hugis ng ulo ng iyong sanggol. Kapag gising ang iyong sanggol, hawakan ang iyong sanggol. Bigyan ng oras ang iyong sanggol na nakadapa habang gising at binabantayan sa loob ng maiikling panahon matapos makauwi mula sa ospital. Unti-unting dagdagan ang oras ng pagdapa sa hindi bababa sa 15 hanggang 30 minuto bawat araw pagsapit ng edad na 7 linggo. Subukang huwag hayaang maupo ang iyong sanggol sa isang upuan o duyan nang matagal.

  • Huwag gumamit ng mga kagamitang inuupuan para sa karaniwang pagtulog. Hindi ipinapayo para sa karaniwang pagtulog ang mga upuan ng sanggol, upuan sa kotse, stroller, carrier ng sanggol, at duyan. Maaaring humantong ang mga ito sa pagbabara sa daanan ng hangin ng sanggol o hindi makahinga. Kung ang iyong sanggol ay nasa isang inuupuan, alisin siya mula sa upuan at ilagay siya sa kuna o iba pang naaangkop na lugar sa lalong madaling panahon na ito ay ligtas at praktikal.

  • Siguraduhing hindi labis na naiinitan ang iyong sanggol kapag natutulog. Panatilihin na nasa kumportableng temperatura ang kuwarto para sa iyo at sa iyong sanggol. Bihisan ang iyong sanggol nang magaan. Sa halip na gumamit ng mga kumot, panatilihing naiinitan ang iyong sanggol sa pamamagitan ng pagsusuot sa kanila ng sleep sack, o naisusuot na kumot. Huwag isuot ang sumbrero sa iyong sanggol sa loob ng bahay.

  • Mag-ingat kapag binabalot ng lampin o paha ang iyong sanggol. Hindi binabawasan ng pagbabalot ng lampin ang panganib ng SIDS. Kung pipiliin mong balutin ng lampin ang iyong sanggol, tiyaking nakahiga siya at hindi masyadong masikip ang pagkabalot. Itigil ang pagbabalot ng lampin sa iyong sanggol kapag mukhang sinusubukan niyang dumapa. Nagsisimulang magsikap na dumapa ang ilang sanggol nang kasing aga ng 2 buwan. Mas mataas ang panganib na hindi makahinga ang iyong sanggol kung dumadapa ang iyong sanggol habang siya ay nakabalot ng lampin.

  • Mag-alok ng pacifier (hindi nakakabit sa isang tali o clip) sa iyong sanggol sa oras ng pag-idlip at pagtulog. Tumutulong ito na mabawasan ang panganib ng SIDS. Huwag bigyan ng pacifier ang sanggol hangga't sumususo nang maayos ang iyong sanggol.

  • Huwag gumamit ng mga produktong nagsasabing binabawasan nito ang panganib ng SIDS. Kasama rito ang mga wedge, positioner, espesyal na kutson, espesyal na pansapin sa higaan, o iba pang produkto. Hindi napatunayan ang mga kagamitang ito na makakapigil sa SIDS. Sa mga bihirang kaso, nagresulta ang mga ito sa pagkamatay ng sanggol. Ang mga cardiorespiratory monitor na ibinebenta para gamitin sa bahay ay hindi rin nakatutulong sa pagpigil sa SIDS.

  • Palaging ilagay ang mga kuna, bassinet, at lugar na laruan sa mga lugar na walang panganib. Siguraduhing walang mga nakabitin na lubid, kawad, o mga kurtina sa bintana. Ito ay upang mabawasan ang panganib na masakal. Ilagay ang kuna nang malayo sa mga bintana.

  • Pasusuhin ang iyong sanggol. Maaari nitong mabawasan ang panganib ng SIDS. Bigyan ang iyong sanggol ng gatas ng ina lamang sa loob ng hindi bababa sa 6 na buwan, maliban kung iba ang sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Ipinapayo ng mga eksperto ang patuloy na paggamit ng gatas ng ina sa loob ng 1 taon o higit pa. Depende ito kung gusto ninyo ng iyong sanggol na gawin ito. Ang paggamit ng gatas ng ina sa loob ng isang taon o higit pa ay nakakabawas sa panganib ng SIDS at maraming iba pang problema sa kalusugan.

  • Dalhin ang iyong sanggol para sa mga checkup at bakuna. Kung mukhang maysakit ang iyong sanggol, tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol. Dalhin ang iyong sanggol para sa mga regular na checkup ng batang walang sakit at regular na mga bakuna. Ipinakikita ng ilang pag-aaral na ang ganap na pagbabakuna sa iyong anak ay nagpapababa sa panganib ng SIDS.

  • Huwag gumamit ng alak, marijuana, opioid, o ilegal na droga. Mayroong mas mataas na panganib ng SIDS kung umiinom ng alak o gumagamit ng ilegal na droga. Nakaaapekto ang paggamit ng mga kontroladong kemikal na ito sa iyong kakayahang pangalagaan ang iyong sanggol.

Mga pahiwatig para mapatulog ang iyong sanggol

Maaaring hindi mo maitakda kung kailan o gaano katagal matutulog ang iyong sanggol. Ngunit makakatulong ka sa iyong sanggol na makatulog. Subukan ang mga payo na ito:

  • Tiyakin na napakain ang iyong sanggol, dumighay, at gumugol ng tahimik na oras sa iyong mga braso bago ihiga sa pagtulog.

  • Gumamit ng nakagiginhawang pakiramdam, tulad ng pag-ugoy o pagsipsip ng hinlalaki o ng kamay. Gusto ng karamihang sanggol ang maindayog na paggalaw.

  • Sa araw, makipag-usap at makipaglaro sa iyong sanggol. Tumutulong ito sa mga sanggol na matulog nang mas matagal sa gabi.

Ligtas na pagtulog kapag ang iyong sanggol ay maysakit

Ang mga sanggol na maysakit kamakailan o kasalukuyang maysakit, tulad ng impeksiyon sa palahingahan, ay may mas mataas na panganib para sa SIDS. Higit na mahalagang sundin ang mga alituntunin sa ligtas na pagtulog kapag maysakit ang iyong sanggol. Gawin ito kahit mayroon siyang mga sintomas tulad ng baradong ilong, tumutulong sipon, pag-ubo, o walang ganang kumain. Kung nababahala ka tungkol sa kalusugan ng iyong sanggol, makipag-ugnayan kaagad sa kanyang tagapangalaga ng kalusugan.

Online Medical Reviewer: Mary Terrell MD
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Date Last Reviewed: 2/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer