Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Checkup ng Batang-Walang Sakit: 14 hanggang 18 Taong Gulang

Sa panahon ng pagiging tinedyer, mahalagang patuloy na magkaroon ng taunang mga checkup. Maaaring mahiya ang iyong tinedyer na magpa-checkup. Tiyakin sa iyong tinedyer na normal at kinakailangan ang pagsusuri. Tandaan na maaaring hilingin ng tagapangalaga ng kalusugan na makausap ang iyong anak nang wala ka sa silid ng eksaminasyon.

Mga problema sa paaralan at pakikipagkapwa

Narito ang ilang paksa na maaaring gustuhing talakayin ninyo, ng inyong tinedyer, at ng tagapangalaga ng kalusugan sa panahon ng pagbisitang ito:

  • Pagganap sa paaralan. Kumusta ang pag-aaral ng iyong anak? Natatapos ba sa oras ang mga takdang-aralin? Nananatili bang organisado ang iyong anak? Ito ang mga kasanayang maaari kang makatulong. Tandaan na maaaring senyales ng iba pang problema ang pagbaba ng marka sa paaralan.

  • Mga pakikipagkaibigan. Gusto mo ba ang mga kaibigan ng iyong anak? Mukha bang mabuti ang mga pakikipagkaibigan? Siguraduhing makausap ang iyong tinedyer tungkol sa kung sino ang kanyang mga kaibigan at kung paano sila gumugugol ng oras na magkakasama. Maaaring maging problema sa mga tinedyer ang panggigipit ng mga kasama.

  • Buhay sa tahanan. Kumusta ang pag-uugali ng iyong anak? Nakikisalamuha ba sila sa ibang kapamilya? Sila ba ay magalang sa iyo, sa iba pang matatanda, at awtoridad? Sumasali ba ang iyong anak sa mga kaganapan sa pamilya, o lumalayo ba siya mula sa iba pang miyembro ng pamilya?

  • Mga mapanganib na pag-uugali. Maraming tinedyer ang mausisa tungkol sa droga, alak, paninigarilyo, at pakikipagtalik. Tapat na makipag-usap tungkol sa mga usaping ito. Sagutin ang mga tanong ng iyong anak, at huwag kang matakot na itanong ang mga sarili mong mga tanong. Kung hindi ka sigurado kung paano talakayin ang mga paksang ito, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan para humingi ng payo. 

Pagbibinata at pagdadalaga

Maaaring nararanasan pa rin ng iyong tinedyer ang ilan sa mga pagbabago sa pagbibinata o pagdadalaga, tulad ng:

  • Tagihawat at amoy ng katawan. Maaaring magdulot ng tagihawat (pimples) sa mukha at katawan ang dumaraming hormone habang nagbibinata o nagdadalaga. Maaari din makadagdag sa pagpapawis ang mga hormone at magsanhi ng mas hindi kaaya-ayang amoy ng katawan.

  • Mga pagbabago sa katawan. Lumalaki at nagiging ganap ang katawan habang nagbibinata o nagdadalaga. Tutubo ang buhok sa pubic area at sa iba pang bahagi ng katawan. Lumalaki ang suso at nireregla (nagkakaroon ng buwanang regla) ang mga babae. Nagbabago ang boses ng mga lalaki, at nagiging mas mababa at mas malalim. Habang lumalaki ang ari, magsisimulang mangyari ang mga paninigas nito at wet dreams. Makipag-usap sa iyong tinedyer tungkol sa kung ano ang aasahan at tulungan siya na harapin ang mga pagbabagong ito kung posible.

  • Mga pagbabago sa emosyon. Kasabay nitong mga pisikal na pagbabago, malamang na mapansin mo ang mga pagbabago sa pagkatao ng iyong tinedyer. Siya ay maaaring magkaroon ng interes sa pakikipag-date at maging “higit pa sa pagiging kaibigan” ang turing sa iba pang tinedyer. At, normal para sa iyong tinedyer na maging sumpungin. Subukang maging mapagpasensya at hindi nagbabago. Hikayatin ang mga pakikipag-uusap, kahit na siya ay hindi mukhang gustong makipag-usap. Anuman ang ikinikilos ng iyong tinedyer, siya ay nangangailangan pa rin ng isang magulang.

Mga payo tungkol sa nutrisyon at ehersisyo

Malamang na gumagawa ang iyong tinedyer ng kanyang mga sariling desisyon tungkol sa kung ano ang kakainin at paano gugulin ang libreng oras. Hindi palaging ikaw ang magpapasya, ngunit maaari mong hikayatin ang pagkaroon ng magagandang gawi. Ang iyong tinedyer ay dapat na:

  • Magkaroon ng di-kukulangin sa 60 minuto ng pisikal na gawain kada araw. Maaaring paghiwa-hiwalayin ang oras na ito sa buong araw. Itinuturing na aktibidad ang sports pagkatapos ng klase, klase ng sayaw o martial arts, pagbibisikleta, o maging ang paglakad papunta sa paaralan o bahay ng isang kaibigan.  

  • Limitahan ang screen time. Kabilang dito ang ginugugol na oras sa panonood ng TV, paglalaro ng mga video game, paggamit ng computer o tablet, at pagte-text. Kung mayroong TV, computer, o video game console ang iyong tinedyer sa loob ng silid-tulugan, isaalang-alang na tanggalin ito. 

  • Kumain ng masustansya. Dapat kumain araw-araw ang iyong anak ng mga prutas, gulay, karneng walang taba, at mga buong butil. Dapat bihira lamang kainin ang di-gaanong masusustansyang pagkain tulad ng french fries, kendi, at sitsirya . Hindi nakaiiwas ang ilang tinedyer sa pagmimeryenda ng junk food at fast food sa buong araw. Tiyaking may laman na masusustansyang pamimilian ang kusina para sa meryenda pagkatapos ng klase. Kung pipiliin ng iyong tinedyer na kumain ng junk food, isaalang-alang na gawing siya ang bumili nito gamit ang kanyang sariling pera. 

  • Kumain ng 3 pagkain sa isang araw. Maraming bata ang nilalaktawan ang almusal at maging tanghalian. Hindi lamang sa hindi ito mabuti, maaari rin itong makaapekto sa pagganap sa paaralan. Tiyaking kumakain ng almusal ang iyong tinedyer. Kung hindi nais ng iyong tinedyer ang pagkaing inihahain sa paaralan para sa tanghalian, hayaan na siya ang maghanda ng isang bag ng tanghalian.

  • Magkaroon ng hindi bababa sa 1 pagkain ng pamilya na kasama ka sa bawat araw. Madalas na nililimitahan ng abalang iskedyul ang oras sa pag-upo at pag-uusap. Pinahihintulutan ng magkakasamang pag-upo at pag-uusap na magkaroon ng oras ang pamilya. Pinahihintulutan ka rin nito na makita kung ano ang kinakain at paano kumain ang iyong anak. 

  • Limitahan ang soda at mga inuming katas ng prutas. Ayos lang ang kaunting soda paminsan-minsan. Ngunit hindi kahalili ng mas masusustansyang inumin ang soda, sports drink, at inuming katas ng prutas. Walang pinagkaiba ang sports drink at inuming katas ng prutas. Pinakamainam na pagpipilian ang tubig at low-fat o nonfat na gatas.

Mga payo sa kalinisan ng katawan

Kabilang sa mga iminumungkahi para sa mabuting kalinisan ng katawan ang sumusunod: 

  • Dapat maligo o mag-shower araw-araw at gumamit ng deodorant ang mga tinedyer.

  • Ipaalam sa tagapangalaga ng kalusugan kung may mga tanong ka o ang iyong tinedyer tungkol sa kalinisan ng katawan o tagihawat.

  • Dalhin ang iyong tinedyer sa dentista nang di-bababa sa dalawang beses sa isang taon para sa pagpapalinis at pagpapasuri ng ngipin.

  • Ipaalala sa iyong tinedyer na magsipilyo at mag-floss ng kanyang mga ngipin bago matulog.

Mga payo sa pagtulog

Sa panahon ng pagiging tinedyer, maaaring magbago ang mga pattern sa pagtulog. Maraming tinedyer ang nahihirapang makatulog. Maaari itong humantong sa pagtulog nang tanghali kinaumagahan. Narito ang ilang payo para matulungan ang iyong tinedyer na makapagpahinga na kanyang kailangan:

  • Hikayatin ang iyong tinedyer na magkaroon ng parehong oras ng pagtulog, kahit tuwing Sabado at Linggo. Mas madali ang pagtulog kapag sumusunod sa isang rutina ang katawan. Huwag hayaan ang iyong tinedyer na magpuyat o tanghaliin ng gising sa umaga.

  • Tulungang gumising ang iyong anak, kung kinakailangan. Pumasok sa kuwarto, buksan ang blinds, at ibangon sa kama ang iyong tinedyer—kahit tuwing Sabado at Linggo o tuwing bakasyon sa paaralan.

  • Makatutulong ang pagiging aktibo sa araw upang makatulog nang mas mahimbing ang iyong anak.

  • Pigilin ang paggamit ng TV, computer, o video games isang oras man lang bago matulog ang iyong tinedyer. (Magandang payo rin ito para sa mga magulang!)

  • Gumawa ng tuntunin na dapat naka-off ang mga cell phone sa gabi.

Mga payong pangkaligtasan

Kabilang sa mga iminumungkahi upang mapanatiling ligtas ang iyong tinedyer ang sumusunod:

  • Magtakda ng mga tuntunin sa kung paano maaaring gugulin ng iyong tinedyer ang oras sa labas ng bahay. Bigyan ang iyong anak ng curfew sa gabi. Kung mayroong cell phone ang iyong anak, kumustahin nang pana-panahon sa pamamagitan ng pagtawag upang itanong kung nasaan siya at kung ano ang kanyang ginagawa.

  • Tiyaking nagagamit ang mga cell phone nang ligtas at may pag-iingat. Tulungan ang iyong tinedyer na maintindihan na mapanganib ang makipag-usap sa telepono, mag-text, o makinig ng musika gamit ang headphones habang siya ay nakasakay sa bisikleta o naglalakad sa labas, lalo na kung tumatawid sa kalye.

  • Maaaring magdulot ng pinsala sa pandinig ang patuloy na malakas na musika, kaya tingnan ang volume ng musika ng iyong tinedyer. Maraming device ang nagpapahintulot na magtakda ng limitasyon kung gaano kalakas puwedeng itaas ang tunog. Tingnan ang mga tagubilin para sa mga detalye.

  • Kapag nasa wastong gulang na ang iyong tinedyer para sa lisensya sa pagmamaneho, hikayatin ang ligtas na pagmamaneho. Turuan ang iyong tinedyer na palaging magsuot ng seat belt, magmaneho sa itinakdang tulin, at sundin ang mga tuntunin sa kalsada. Huwag hayaan ang iyong tinedyer na mag-text o makipag-usap sa cell phone habang nagmamaneho. (At huwag mo rin itong gawin! Tandaan, ikaw ang mabuting halimbawa.)

  • Magtakda ng mga tuntunin at limitasyon sa pagmamaneho at paggamit ng kotse. Kung mabigyan ng ticket o maaksidente ang iyong tinedyer, dapat magkaron ng nararapat na disiplina. Isang pribilehiyo ang pagmamaneho na maaaring bawiin kung hindi sinusunod ng iyong anak ang mga tuntunin. Kausapin ang iyong anak tungkol sa mga panganib ng pag-inom at paggamit ng droga kasama ng pagmamaneho.

  • Turuan ang iyong anak na magpasya nang tama tungkol sa droga, alak, pakikipagtalik, at iba pang mapapanganib na pag-uugali. Magtulungan sa pag-iisip ng mga paraan sa pananatiling ligtas at pagharap sa panggigipit ng mga kasama. Tiyaking alam ng iyong tinedyer na siya ay maaaring lumapit sa iyo para sa tulong.

  • Turuan ang iyong anak na huwag kailanman hahawak ng baril. Kung ikaw ay nagmamay-ari ng baril, laging itabi ito nang walang bala sa isang nakakandadong lugar na ang mga bala ay nakakandado sa isang hiwalay na lugar.

Mga test at mga bakuna

Kung mayroong kasaysayan ang iyong pamilya ng mataas na kolesterol, maaaring suriin ang kolesterol sa dugo ng iyong tinedyer sa pagbisitang ito. Ayon sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring matanggap ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:

  • Meningococcal

  • Trangkaso (flu), taon-taon

  • COVID-19:

Kontrolin ang social media

Sa panahong ito na wired age, mas “konektado” ang mga tinedyer sa mga kaibigan—posibleng ang ilan ay hindi pa nila nakikilala nang personal. Upang turuan ang iyong tinedyer kung paano gamitin nang responsable ang social media:

  • Magtakda ng mga limitasyon sa paggamit ng mga cell phone, tablet, computer, at internet. Paalalahanan ang iyong tinedyer na maaari mong tingnan ang kasaysayan ng web browser at mga tala ng cell phone upang malaman kung paano ginagamit ang mga device na ito. Gumamit ng parental control at password upang hindi magamit ang di-angkop na website. Gumamit ng privacy setting sa mga website upang ang mga kaibigan lang ng iyong anak ang makakakita ng kanyang profile.

  • Ipaliwanag sa iyong anak ang mga panganib ng pagbibigay ng personal na impormasyon sa Internet. Turuan ang iyong anak na huwag ibahagi ang kanyang numero ng telepono, address, larawan, o iba pang personal na detalye sa mga kaibigan online nang wala ang iyong pahintulot.

  • Tiyakin na naiintindihan ng iyong anak na ang mga bagay na kanyang “sinasabi” sa Internet ay hindi kailanman pribado. Ang mga post na ginawa sa mga website tulad ng Facebook, Instagram, TikTok, at Twitter ay makikita ng mga taong hindi nauukol na makakita nito. Maaaring bigyan ng maling kahulugan ang mga post at maaari ding magdulot ng problema sa iyo o sa iyong tinedyer. Pangasiwaan ang paggamit ng iyong tinedyer ng social media, cell phone, at paggamit ng internet.

Pagkilala sa mga palatandaan ng depresyon

Normal para sa mga tinedyer ang magkaroon ng matinding pagbagu-bagong mood bilang resulta ng pagbabago sa kanilang mga hormone. Parte lamang din ito ng paglaki. Ngunit kung minsan, senyales ng mas malaking problema ang pabagu-bagong mood ng isang tinedyer. Kung tila nanlulumo ang iyong tinedyer nang higit sa 2 linggo, dapat kang mabahala. Kasama sa mga palatandaan ng depresyon ang:

  • Paggamit ng mga droga o alak

  • Mga problema sa paaralan at sa bahay

  • Madalas na paglalayas

  • Paglayo sa pamilya at mga kaibigan

  • Biglaang mga pagbabago sa mga gawi sa pagkain o pagtulog

  • Pagkagahaman sa sekso o di-planadong pagbubuntis

  • Masamang pag-uugali o pagkapoot

  • Pagkawala ng kasiyahan sa buhay

Matutulungan ng paggamot ang mga nanlulumong tinedyer. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. O magtanong sa iyong lokal na sentro ng kalusugan ng pag-iisip, social service agency, o ospital. Tiyakin sa iyong anak na ang kanyang pananakit ay maaaring mapawi. Ibigay ang iyong pagmamahal at suporta. Kung nagsasalita ang iyong anak tungkol sa kamatayan o pagpapakamatay o may mga planong saktan ang kanyang sarili o ang iba, humingi ng tulong ngayon. Tumawag o mag-text sa 988. Ikokonekta ka sa mga sinanay na tagapayo sa krisis sa National Suicide Prevention Lifeline. Available din ang opsyon na online chat sa www.suicidepreventionlifeline.org. Libre ang Lifeline at magagamit 24/7.

Date Last Reviewed: 4/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer