Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Checkup ng Walang Sakit naBata: 11 hanggang 13 Taon

Sa pagitan ng edad na 11 at 13, lalaki at malaki ang pagbabago ang iyong anak. Mahalagang patuloy na magkaroon ng taunang mga checkup upang masubaybayan ng tagapangalaga ng kalusugan ang progresong ito. Habang pumapasok na sa pagbibinata o pagdadalaga ang iyong anak, maaaring mas mahiya siyang magpa-checkup. Tiyakin sa iyong anak na normal at kinakailangan ang pagsusuri. Tandaan na maaaring hilingin ng tagapangalaga ng kalusugan na makausap ang bata nang wala ka sa silid ng eksaminasyon.

Mga problema sa paaralan at pakikipagkapwa

Narito ang ilang paksa na maaaring gustuhing talakayin ninyo, ng inyong anak, at ng tagapangalaga ng kalusugan sa panahon ng pagbisitang ito:

  • Pagganap sa paaralan. Kumusta ang pag-aaral ng iyong anak? Natatapos ba sa oras ang mga takdang-aralin? Nananatili bang organisado ang iyong anak? Ito ang mga kasanayang maaari kang makatulong. Tandaan na maaaring senyales ng iba pang problema ang pagbaba ng marka sa paaralan.

  • Mga pakikipagkaibigan. Gusto mo ba ang mga kaibigan ng iyong anak? Mukha bang mabuti ang mga pakikipagkaibigan? Siguraduhing makipag-usap sa iyong anak tungkol sa kung sino ang kanyang mga kaibigan at kung paano sila naglalaan ng oras upang magsama-sama. Ito ang edad na kung kailan nagsisimulang maging problema ang panggigipit ng mga kasama.

  • Buhay sa tahanan. Kumusta ang pag-uugali ng iyong anak? Kasundo ba niya ang iba pang miyembro ng pamilya? Magalang ba siya sa iyo, sa ibang mas nakatatanda, at awtoridad? Sumasali ba ang iyong anak sa mga kaganapan sa pamilya, o lumalayo ba siya sa iba pang miyembro ng pamilya?

  • Mga mapanganib na pag-uugali. Hindi masyadong maaga para simulang makipag-usap sa iyong anak tungkol sa droga, alak, paninigarilyo, at pakikipagtalik. Siguraduhing nauunawaan ng iyong anak na hindi niya dapat gawin ang mga gawaing ito, kahit na ginagawa ng kanyang mga kaibigan. Sagutin ang mga tanong ng iyong anak, at huwag kang matakot na itanong ang mga sarili mong mga tanong. Siguraduhing alam ng iyong anak na palagi ka niyang malalapitan upang humingi ng tulong. Kung hindi ka sigurado kung paano talakayin ang mga paksang ito, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan para humingi ng payo.

Pagpasok sa pagbibinata o pagdadalaga

Ang pagbibinata o pagdadalaga ay ang yugto kung saan nagsisimulang maging adulto ang isang bata. Karaniwan itong nagsisimula sa pagitan ng edad na 9 at 14 para sa mga babae, at sa pagitan ng edad na 12 at 16 para sa mga lalaki. Narito ang ilan sa maaari mong asahan kapag nagsimula ang pagbibinata o pagdadalaga:

  • Tagihawat at amoy ng katawan. Maaaring magdulot ng tagihawat (pimples) sa mukha at katawan ang dumaraming hormone habang nagbibinata o nagdadalaga. Maaari din makadagdag sa pagpapawis ang mga hormone at magsanhi ng mas hindi kaaya-ayang amoy ng katawan. Sa ganitong edad, dapat magsimulang mag-shower o maligo araw-araw ang iyong anak. Hikayatin ang iyong anak na gumamit ng deodorant at mga produkto para sa tagihawat kung kinakailangan.

  • Mga pagbabago sa katawan ng mga babae. Sa simula ng pagdadalaga, nagsisimulang lumaki ang mga dibdib o suso. Madalas na nauunang lumaki ang isang dibdib bago ang isa. Ito ay normal. Nagsisimulang tumubo ang buhok sa lugar ng ari, sa mga kili-kili, at sa mga binti. Humigit-kumulang 2 taon pagkatapos magsimulang lumaki ang mga suso, magsisimulang magkaroon ng buwanang regla ang isang babae (menstruation). Upang tulungang maghanda ang iyong anak na babae para sa pagbabagong ito, makipag-usap sa kanya tungkol sa regla, ano ang dapat asahan, at kung paano gamitin ang mga produktong pambabae.

  • Mga pagbabago sa katawan ng mga lalaki. Sa simula ng pagbibinata, mas bumababa ang mga testicle o bayag, at umiitim at mas lumalawlaw ang scrotum o supot ng bayag. Nagsisimulang tumubo ang buhok sa lugar ng ari, sa mga kili-kili, at sa mga binti, dibdib, at mukha. Nagbabago ang boses, at nagiging mas mababa at mas malalim. Habang lumalaki ang ari, nagsisimulang maranasan ang mga paninigas nito at “wet dreams”. Tiyakin sa iyong anak na normal ito.

  • Mga pagbabago sa emosyon. Kasabay nitong mga pisikal na pagbabago, malamang na mapansin mo ang mga pagbabago sa pagkatao ng iyong anak. Maaaring mong mapansin na nagkakaroon ng interes ang iyong anak sa pakikipag-date at pagiging “higit pa sa kaibigan” sa ibang tao. At, maraming bata ang nagiging sumpungin at nag-iiba ang ugali sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Maaaring nakasasama ito ng loob, ngunit normal ito. Subukang maging mapagpasensya at hindi nagbabago. Hikayatin ang mga pakikipag-usap, kahit na tila ayaw makipag-usap ng iyong anak. Anuman ang ikinikilos ng iyong anak, kailangan pa rin niya ng magulang.

Mga payo tungkol sa nutrisyon at ehersisyo

Pamilya na gumagawa ng prutas na smoothies.

Sa panahon ngayon, hindi gaanong aktibo at mas maraming kumain ng junk food o sitsirya ang mga bata kaysa noon. Nagsisimulang pumili ang iyong anak ng kung ano ang kakainin at gaano magiging aktibo. Hindi palaging ikaw ang magpapasya, ngunit matutulungan mo ang iyong anak na magkaroon ng magagandang gawi. Narito ang ilang payo:

  • Tulungan ang iyong anak na magsagawa ng di-kukulangin sa 60 minuto ng pagiging aktibo kada araw. Maaaring paghiwa-hiwalayin ang oras sa buong araw. Kung masama ang panahon o nag-aalala ka para sa kaligtasan, humanap ng binabantayang mga panloob na aktibidad. 

  • Limitahan ang “screen time” sa 1 oras bawat araw. Kabilang dito ang oras sa panonood ng TV, paglalaro ng video games, paggamit ng computer, at pagte-text. Kung mayroong TV, computer, o video game console sa kuwarto ang iyong anak, isaalang-alang na palitan ito ng music player. Para sa maraming bata, masayang paraan ng paggalaw ang pagsayaw at pagkanta.

  • Limitahan ang mga inuming matatamis. Maaaring magsanhi ng hindi malusog na pagtaas ng timbang at pagkabulok ng ngipin ang soda, juice, at sports drink. Pinakamainam inumin ang tubig at low-fat o nonfat na gatas. Sa katamtamang dami (hindi hihigit sa 8 onsa araw-araw), OK ang juice na 100% mula sa prutas. Itabi ang soda at iba pang matatamis na inumin para sa mga espesyal na okasyon.

  • Kumain kasama ang pamilya kahit isang beses sa isang araw. Madalas na nililimitahan ng abalang iskedyul ang oras sa pag-upo at pag-uusap. Pinahihintulutan ng magkakasamang pag-upo at pag-uusap na magkaroon ng oras ang pamilya. Pinahihintulutan ka rin nito na makita kung ano ang kinakain at paano kumain ang iyong anak.

  • Bigyang-pansin ang dami. Maghain ng tamang dami para sa iyong mga anak. Hayaan silang tumigil sa pagkain kapag busog na sila—huwag silang pilitin na ubusin ang pagkain sa plato. Tandaan na maraming bata ang nagiging mas ganado sa pagkain sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga. Kung nagugutom pa rin ang iyong anak pagkatapos kumain, mag-alok pa ng mga gulay o prutas.

  • Maghain at hikayating kumain ng masusustansiyang pagkain. Mas nagpapasya nang mag-isa ang iyong anak sa kanyang pagkain. May pakinabang ang lahat ng pagkain sa balanseng diyeta. Dapat kainin araw-araw ang mga prutas, gulay, karneng walang taba, at mga whole grain. Ilaan ang di-gaanong masusustansiyang pagkain—tulad ng french fries, kendi, at sitsirya—para sa espesyal na okasyon. Kung pipiliin ng iyong anak na kumain ng junk food, isaalang-alang ang pagbili niya nito gamit ang sarili niyang pera. Hilingin sa iyong anak na sabihin sa iyo kapag bumili siya ng junk food o nakipagpalit ng pagkain sa mga kaibigan.

  • Dalhin ang iyong anak sa dentista nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang taon para sa pagpapalinis at pagpapasuri ng ngipin.

Mga payo sa pagtulog

Sa ganitong edad, kailangan ng iyong anak ng humigit-kumulang 10 oras na tulog bawat gabi. Narito ang ilang payo:

  • Magtakda ng oras ng pagtulog at tiyaking sinusunod ito ng iyong anak bawat gabi.

  • Maaaring makaakit sa bata ang TV, computer, at mga video game at gawing mahirap upang mapanatag para sa gabi. I-off ang mga ito nang di-kukulangin sa isang oras bago matulog. Sa halip, hikayatin ang iyong anak na magbasa bago matulog.

  • Kung may cell phone ang iyong anak, tiyaking naka-off ito sa gabi.

  • Huwag hayaan ang iyong anak na magpuyat o gumising nang tanghali na tuwing Sabado at Linggo. Maaari itong makasira sa pattern ng pagtulog at magpahirap sa pagtulog tuwing may pasok.

  • Paalalahanan ang iyong anak na magsipilyo at mag-floss bago matulog. Saglit na subaybayan ang sariling pangangalaga ng iyong anak sa kanyang ngipin isang beses sa isang linggo upang matiyak na wasto ang pamamaraan.

Mga payong pangkaligtasan

Kabilang sa mga iminumungkahi upang mapanatiling ligtas ang iyong anak ang: 

  • Kapag nagbibisikleta, nagro-roller skates, o gumagamit ng scooter o skateboard, dapat magsuot ang iyong anak ng helmet na may nakakabit na strap. Kapag gumagamit ng roller skates, scooter, o skateboard, mainam din na magsuot ang iyong anak ng mga wrist guard, mga elbow pad, at mga knee pad.

  • Sa kotse, dapat umupo sa likod na upuan ang mga batang wala pang 13 taong gulang. Dapat na magpatuloy sa paggamit ng booster seat ang mga batang mas maliit sa 4'9" (57 pulgada) upang maayos na mailagay ang seatbelt.

  • Kung mayroong cell phone o portable music player ang iyong anak, tiyaking nagagamit ang mga ito nang ligtas at may pag-iingat. Huwag hayaan ang iyong anak na makipag-usap sa telepono, mag-text, o makinig sa musika gamit ang headphones habang nagbibisikleta o naglalakad siya sa labas. Paalalahanan ang iyong anak na magbigay-pansin kapag tumatawid sa kalsada.

  • Nakasisira ng pandinig ang palagiang pakikinig sa malakas na musika, kaya subaybayan ang lakas ng music player ng iyong anak. Maraming player ang nagpapahintulot na magtakda ng limitasyon kung gaano kalakas puwedeng itaas ang tunog. Tingnan ang mga tagubilin para sa mga detalye.

  • Sa ganitong edad, maaaring magsimulang subukan ng mga bata ang mga bagay na maaaring makapagpahamak sa kanilang kalusugan o kapakanan. Kung minsan, nagmumula ang mga maling desisyon sa panggigipit ng mga kaedad. Sa ibang mga pagkakataon, hindi muna iniisip ng mga bata ang maaaring mangyari. Ituro sa iyong anak ang kahalagahan ng paggawa ng tamang desisyon. Pag-usapan kung paano kikilatisin ang panggigipit ng mga kaedad at mag-isip ng mga paraan kung paano ito haharapin.

  • Maaaring senyales ng problema sa paaralan o iba pang aspekto ng buhay ng iyong anak ang biglaang pagbabago sa kanyang emosyon, pag-uugali, pakikipagkaibigan, o mga gawain. Kung may mapansin kang mga senyales na tulad ng mga ito, makipag-usap sa iyong anak at sa mga tauhan ng paaralan ng iyong anak. Maaari ding magpayo ang tagapangalaga ng kalusugan.

Mga bakuna

Batay sa mga rekomendasyon mula sa American Association of Pediatrics, maaaring matanggap ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:

  • Human papillomavirus (HPV) (edad 11 hanggang 12)

  • Trangkaso (flu), taon-taon

  • Meningococcal (edad 11 hanggang 12)

  • Tetano, diphtheria, at pertussis (edad 11 hanggang 12)

  • COVID-19

Subaybayan ang social media

Sa panahong ito ng teknolohiya, mas “konektado” na ang mga bata sa kanilang mga kaibigan—marahil hindi pa nila nakikita ang ilan nang personal. Upang turuan ang iyong anak kung paano gamitin ang social media nang may pag-iingat:

  • Magtakda ng mga limitasyon sa paggamit ng cell phone, computer, at Internet. Ipaalala sa iyong anak na maaari mong tingnan ang web browser history at mga cell phone log upang malaman kung paano ginagamit ang mga device na ito. Gumamit ng parental control at password upang hindi magamit ang di-angkop na website. Gumamit ng mga privacy setting sa website upang ang mga kaibigan lamang ng iyong anak ang makakakita ng kanyang profile.

  • Ipaliwanag sa iyong anak ang mga panganib ng pagbibigay ng personal na impormasyon sa Internet. Turuan ang iyong anak na huwag ibigay sa mga kaibigan sa online o internet ang kanyang numero ng telepono, tirahan, litrato, o iba pang personal na detalye nang wala kang pahintulot.

  • Siguraduhing nauunawaan ng iyong anak na hindi kailanman pribado ang mga bagay na “sinasabi” niya sa Internet. Maaaring makita ng ibang tao ang mga post sa mga website tulad ng Facebook, TikTok, at Instagram kahit hindi ito para sa kanila. Maaaring magbigay ng maling kahulugan ang mga post at maaari pa nga itong maging problema para sa iyo o iyong anak. Subaybayan ang paggamit ng iyong anak ng mga social network, chat room, at email.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer